May 10, 2015

Gaano Nga Ba Kalaki ang Puso ni Nanay?





















Minsan naitanong ko sa aking isipan
Gaano nga ba kalaki ang puso ng isang inang mapagmahal.
Sa lawak ng kanyang pang unawa, sa marurub niyang pag-aaruga, sa dalisay nyang pagkalinga, at sa wagas na pag-ibig sa kanyang mga anak... 

Sa tuwing ako'y makakakita ng mommy na kahit mabigat ay kinakayang buhatin ang kanyang supling...
Sa tuwing makakaramdam ako ng pagod sa trabaho at naiisip ko ang mga inang mag aasikaso pa ng kanyang mga anak pagdating...
Sa tuwing tatamarin akong gawin ang mga gawaing bahay... 
Naitatanong ko sa aking sarili, gaano nga ba kahirap ang buhay ni nanay?

Sa bawat pagkain na isusubo na lang ay ibibigay pa...
Sa mga pangarap na naisantabi, para sa kapakanan ng anak niya...
Sa mga pagod na di inalintana, sa mga sakripisyong pinasan, sa mga hirap na pinagdaanan...
Mayroon nga bang hindi kakayanin si nanay? 

Siyang hindi nagpapakita ng kahinaan sa kahit anong hirap ang dumaan...
Siyang walang sinusukuang problema... basta laban lang ng laban...
Siyang pinaka masaya sa bawat nakamit nating tagumpay
At nagbibigay ng pag-asa sa gitna ng kabiguan. 

Gaano nga ba kalaki ang puso ni Nanay? 
Hindi ko maisip kung may salitang nararapat.. 
Sa pagmamahal ng ina, tunay na hindi masusukat...
Habang buhay na responsibilidad ang nasa kanyang palad. 


April 13, 2015

Bugok














Silang mga di na nagsawa sa gulo ng mundo
Mga taong paulit ulit ang pagkuha ng batong pinukpok sa ulo
Animo'y di na nadala sa lahat ng bukol na napala
Wari'y sadistang hinahanap hanap ang sakit at mga pasa. 

Ano nga ba't tila nakaka adik ang buhay na pakawala
Yung walang patutunguhan, walang mapapala
Pero panay ang andar kahit walang paroroonan
Paikot ikot lang sa daan ng kawalan. 

Bugok kung tawagin
Tumandang walang pinagkatadaan 
Buhay alamang 
Nagpa-anod sa kawalan... 

Bato bato sa langit, ang tamaan magbago na...
Kung sawa ka na sa buhay na kung tagurian ay walang kwenta
Marahil dapat lang na mag isip isip
Upang buhay ay maituwid

Habang may buhay may pag-asa
Pero wag lamang umasa
Samahan ng sikap at tiyaga
Upang buhay ay umalwa... 

March 25, 2015

NAPAANO SA MAMASAPANO


Samu't saring istorya, kanya kanyang bida
Mga palusot sa sino nga ba ang tunay na may sala
Apatnapu't apat na buhay, sa bayan ay inalay
Ngayo'y walang responsable, kanya kanyang pagkubli sa tunay na nangyari. 

Ano nga bang kahahantungan ng masalimuo't na usapan
May katarungan pa bang aasahan ang magigiting na tagapag-tanggol ng bayan,
O tuluyan ng matatabunan tulad ng mga buhay na napaslang...

Iisa ang hangad, pangarap na kapayapaan
Ang bansang kaliwa't kanan ang gulong kinasasangkutan 
May pag asa pa bang kinakaharap ang bayang Pilipinas
Kung bawat isa'y sarili lamang ang nais na iligtas. 

Nakapanlulumo ang sinapit nilang apatnaput apat
Hindi lang sa nakuyog at pinatay na walang habas
Ang higit na masakit ay ang katotohanang masaklap
Kapwa Pilipino rin naman ang sa kanila'y nagpahirap.

Ito katotohanang hayag pero tila di mabanaag
Ang ating Inang bayang naligaw na ng landas
Paano pa tayo aahon kung tayo tayo mismo ang nagbabaon 
Ang pangarap na kalayaan atin pa bang makakamtan.

Ang mga nasa gobyerno, sukdulan sa kasakiman 
Mga hayok sa kapangyarihan, sandamakmak na kawatan
Paano nga bang makakamit ang katarungan 
Kung ang mismong may sala ang may hawak ng timbangan? 

Isang panawagan sa ating mga kababayan 
Nawa'y matuto na tayong manindigan... 
Dahil mabuti sana kung uuwi lang tayong luhaan... 
Pero tulad ng SAF 44, ang laban ay nauwi sa kawalan. 


June 02, 2014

Tiktak












Tila isang iglap, wariý paghawi ng ulap
Ang bilis ng panahon, sadyang nakakagulat. 
Animo isang linggo pa lang nang ang bagong taon ay dumaan
Sinalubong ng buong sigla, kaakibat ay bagong pag-asa

Lumipas ang ilang araw
Patuloy lang sa pagkampay 
Tinatahak ang bawat umaga 
Magkahalo ang ligaya't pangamba

Kalahati na ng taon, lumipas ganun-ganun 
Ano nga bang kinahinatnan ng nagdaang limang buwan
Sa bawat oras na tila hinahabol bawat pag-tiktak
Ang pagsikat at paglubog ng araw na mabilis pa sa kidlat. 

Kung atin tatantusan, ang bawat araw na nagdaan
Anong kabutihan ang sa ating kapwaý pinaramdam
O baka panay poot, galit o mabigat na kalooban
Alin kaya ang mas matimbang, alin ang nakalalamang?

Sa bawat daang tinatahak, taong kinakaharap
May impluwensiya tayong naiiwan, tatak ng nakaraan
Ano sa palagay mo ang kanilang matatandaan
Sa pagbanggit ng iyong pangalan, ano ang naramdaman?

Marahil sa sobrang dami ng nais nating makamit
Sa sobrang layo ng nais nating marating
Minsaý nalilimutan na natin ang tumingin at manalamin
Ang kasalukuyang panahon, kailangang harapin.

Huwag makisabay sa pagikot ng relo
Ang buhay sa mundo ay di isang karera ng motorsiklo
Sa paglipat ng pahina ng ating kalendaryo
Anong ala-ala mo sa bawat araw na tumakbo? 

January 06, 2014

Bagong Taon ng Pagbangon

Natuyo na ang tubig, naubos na ang baha
Unti unting sumisibol ang liwanag sa mukha.


 Binibuo ang pag-asa kung mayroon mang natira
Pinagtitibay ang pamilya, haliging ginuho ni Yolanda. 


Pag-asa ang hatid sa bawat isa ng bagong taon
Higit sa tulad nilang nawalan ng kinabukasan noong isang taon


Hindi matitinag, tatag ng Pinoy
Sa kabila ng delubyo, sigaw nilaý pag-ahon. 

Tapos na ang unos, ang bangungot ng kahapon
Hinaharap ang bagong taon, kaakibat ng pagbangon.

Isang kahilingan, ang aking iiwan
Sa pagtatapos ng tulang iyong nadaan
Nawaý sa bawat oras na silaý iyong maalala
Sumambit sa Maykapal, dasal para sa kanila. 

---
Photos by: Dhes Handumon

November 26, 2013

Nakakahiya. Nakakaawa.

Nakakahiya. 


Kahapon ay pinatawag kaming mga Pilipino sa kumpanya
Para sa isang proyektong gagawin, tulong sa biktima ni Yolanda.
Nagtanong ang mga pinuno, ilang detalyeng mahalaga. 
Ito ay kung saan at kanino nga ba, iaabot ang pera.

Bilang Pilipino, nakakahiya mang sabihin
Pero bawat isa sa amin, iisa ang saloobin.
Hindi dapat sa gobyerno, dahil baka di makarating
Sa dami ng balita tungkol sa pamahalaang sakim.

Masakit sabihin sa harap ng ibang lahi
Na sa aming pamahalaan ay maraming kawatan
Mga magnanakaw at mapagsamantala
Sa bayan ni Juan, talamak ang buwaya. 

Nais nilang tumulong, magkiramay sa nasalanta
Pero paano nga ba, kung di rin naman mapupunta
Sa mga naging biktima, dilat pa rin ang mata
Sa lumipas ng tatlong linggo, paano na nga ba sila?

Nakakaawa. 


Silang mga walang magawa kundi ang maghintay sa wala
Sa kabila ng milyon milyong tulong na sa kanilaý pinadala
Nagtitiyaga sa tabing ng kariton o mga tahanang walang bubong
Kalam ng sikmuraý tila nakasanayan na at di alintana ang gutom. 

Halos tatlong linggo na mula noong bumisita si Yolanda
At iniwan silang walang wala, nakahandusay sa kalsada
Dumagsa ang tulong, pera, pagkain at iba't ibang donasyon
Pero kailan ba sila, magsisimulang makaaahon? 

Araw araw pumipila sa kakarampot na delata, 
Isang tabong bigas at noodles na durog na
Nasaan ang donasyon, napunta na sa bahay ng iba. 

ANG TAMA, HINDI KINAKAHIYA. 
ANG MALI, HINDI GINAGAWA.
Sabi ni Lea Bustamante, sa Bata, Bata Paano Ka Ginawa? 


Ito ang aking naramdaman kagabi sa gitna ng usapan.
Kinahihiya ko ang ating pamahalaan, dahil sa maling kaugalian.
Gayun pa man, ang bayanihan amin pa ring pinagparangalan
Sa kabila ng katiwalian, ang taong bayan pa rin ay nagtutulungan.

Sa milyon milyong donasyon ng kapwa Pilipino,
Sa iba't ibang paraang ginawa upang makalikom ng husto
Pera, damit, pagkain, halos pinang limos nga rin dito
Basta't makatulong kahit papaano.

Gayung sadlak sa hirap at sa gobyernong palpak.
Taas noo pa rin nating hinarap ang mga pagsubok sa ating balikat.
Babangon tayo, magtutulungan saan man sa mundo.
Yan ang Pilipino, di matitinag ng delubyo.

November 12, 2013

Paano nga ba sila magsisimula ngayong silaý walang wala?

AFP Photo
Binayo ng bagyo.
Pinaluhod ng delubyo.
Binura ni Yolanda.

Ilang katagang paulit ulit na nating naririnig sa mga ulat.
Marahil, dahil sa wala na ngang iba pang salitang mahagilap 
Upang ipaliwanag ang sinapit na ating mga kababayang lubhang nasadlak
Sa nagdaang sakuna, na kinuha ang lahat...

Ano nga ba ang ating magagawa?
Tayo na ilang libong milya ang pagitan mula sa ating Inang Bayan
Mga OFW na tanging mga larawan at video lamang ang nasasaksihan...

Umuulan ng Panalangin sa "FB, IG at Twitter" para sa ating mga kababayan
Abot abot ang panawagan kung paano maipapahatid ang mga donasyon na nakalap
Panawagan sa nawawalang kamag-anak at panaghoy ng mga namatayan...

Tulad nyo, dumurugo rin ang puso ko
Sa gitna ng trabaho, ang isip ay nasa mga kababayang naghihingalo
Paano nga ba sila magsisimula...Ngayong silaý walang wala? 

Isang bayang matatatag ang pananampalataya
Yan ang Pilipinas, kahit ilang beses madapa
Hindi kumakawala sa pananalig sa ating Panginoong Lumikha.

Ngayon sa gitna ng unos, para tayong batang musmos
Magsimula sa pag gapang, unti unti hanggang sa makaya natin ulit ang paghakbang
Isang araw, isang tapak, hanggang sa muli tayong maging matatas.

Ang Diyos ay buhay, Siya at tapat. 
Walang bibitaw, dadating din ang bukas
Kung kailan nag mga naburang pangarap ay unti unti ring matutupad. 

"Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina." Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang lalo kong nadama ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Dahil kay Cristo, walang halaga sa akin kung ako ma'y mahina, kutyain, pahirapan, usigin at magtiis. Sapagkat kung kailan ako lalong mahina, saka naman ako nagiging malakas. 
2 Corinto 12:9-10

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...